FLPH Updates
Pinoy Money Culture

Pinoy Money Culture

Maraming magagandang kultura tayong mga Pilipino. Ito ang nagbibigay sa atin ng karangalan at pagkakakilanlan sa buong mundo. Lalo na nga at nasa around 10 milyon tayong mga Pilipino na nakatira o nagtatrabaho sa ibang bansa. Mas naipapakita natin sa ibang tao ang ating likas at angking kultura.

Kaya lamang, mayroon din tayong mga kulturang nagiging hadlang sa ating kabuhayan. Kulturang namana natin at nakagisnan sa ating mga kapamilya. Unknowingly, nagaya na rin natin at inakalang tama…pero hindi pala. May malaki pala itong epekto sa ating kabuhayan at kaperahan.

PASALUBONG Mentality. Kung OFW ka, siguro nakakarelate ka dito. Mostly kase iniisip natin, obligasyon nating mabigay sa ating mga kapamilya, kapitbahay, kamag-anak, kakilala or kung sino man. Saan man tayo mapunta, gaano man kalaki or kaliit, parang naoobliga tayong magdala man lamang ng pasalubong para sa kanila. Hanggang sa hindi natin namamalayan, malaking bahagi na pala ng kinikita natin ay nauubos sa kabibili nito. At yon namang tumatanggap, ini-expect din nila na dahil galing kang abroad, mayroon silang matatanggap sa iyo. Pasalubong ika nga. Na pag wala ka nito, parang ang tingin sa iyo’y ang sama mo na o di kaya’y magtatampo agad. Sa atin pa naman, pag nagbigay ka sa isa at nakita ng isang hindi mo bingyan, maghihinanakit agad. Kaya napipilitan tayo tuloy na pasalubungan na lang silang lahat.

FIESTA Mentality. Anong ginagawa ng karamihan sa atin tuwing fiesta? Di ba maghahanda tayo para may maipakain sa mga bisita. Kahit utangin natin, ok lang. Basta ang importante walang maipipintas ang mga bisita natin. Bahala na kung wala tayong makain ngayon, basta ngayon araw ng fiesta, mabusog natin sila at wala silang masabi sa atin. Nakaka relate ka ba? Hindi lang ito sa fiesta applicable. Ginagawa rin natin ito sa kasal, binyagan, birthday at kung iba-iba pang okasyon. OK lang naman na maghanda, pero kung uutangin mo lang din naman para lang may maipagyabang, aba’y mag-isip isip ka rin. Baka hindi mo namamalayan, malubog ka sa utang. Pati ang kinabukasan nyo, maisakripisyo ng dahil lamang dito.

BAHALA NA Mentality. Kilala tayo na mayroong strong family values. Gusto natin sama-sama lang tayo, sa hirap at ginhawa. Sa bahay ng magulang, may mga asawa at anak na ang mga anak nila, magkakasama pa rin. Kung sa bagay, masaya naman di ba. Close na close kayo ng pamilya nyo. Kaya lang, ito rin ang isang ugat ng bahala mentality. Minsan, umaasa na lamang tayo sa mga taong nakapaligid sa atin. Kala mo may obligasyon sila para tayo’y laging tulungan. Minsan pa, pag wala silang naibigay, ang sama ng tingin natin sa kanila. Hindi natin naiisip, tayo ang mali sa pagkakataong ito. Walang pang tuition si bunso, hingi muna kay lola. Walang pambayad sa kuryente, hingi muna kay ate. Walang pagkain sa bahay, takbo ka muna sa kapitbahay. In the end, nagiging habit na natin ang bahala na mentality. Kase iniisip natin, may mga taong laging nandyan upang tayo’y tulungan.

ONE DAY MILLIONAIRE Mentality. Galing abroad, ang gara ng porma. Nakabago lahat. Mukhang big time talaga, katas ng abroad. Parang nagdiwang ang buong barangay sa pagdating mo, walang humpay ang pagkain at alak. Syempre imbitado ang lahat, buong barangay na nga yata eh. Hindi lang pagkain, may mga pasalubong ka pa sa kanila. Ano na lang sasabihin nila, galing abroad ka tapos wala ka man lang maibibigay pag humingi sila. Ano na lang magiging tingin nila sayo, poor? OK lang gumastos ng gumastos, kikitain mo din naman yan pagbalik mo ng abroad. Ang mahalaga, mapasaya mo silang lahat. After few days, masaya ka pa ba? O nagtatago ka na dahil ubos na ang pera mo? Minsan kasalanan din naman natin kung bakit ganyan sila. Kapag sinanay natin sila sa ganyan, magi-expect sila lagi sayo. Hindi naman masama ang maghanda or mag blow out paminsan minsan, basta laging i-practice ang “kurot principle”. Isipin na may bukas pa at mahirap kitain ang pera. Ikaw rin, baka hindi mo namamalayan, matanda ka na pala at hindi na makakapagtrabaho sa abroad. Pano ka na ngayon kung ikaw naman ang mangailangan, feeling milyonaryo ka pa kaya?

Ayusing maige ang iyong kaperahan. Paghandaang maige ang iyong kinabukasan. Hindi habang buhay na tayo’y malakas at kumikita ng wagas.

About Richard Macalintal

Hi my name is Richard. I am a Registered Financial Services Consultant in Singapore. If you have any queries or you need help on your insurance policies and investment linked products, feel free to message me :-) We can have a cup of coffee while I do financial review and give advice with regards to your finances :-) Contact me thru email rlmacalintal(at)yahoo.com or SMS me +65 82235186. Disclosure: I am a Financial Consultant of AIA. The statements or opinions expressed on this site are my own and do not necessarily represent those of AIA.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*